Save Sierra Madre Network Alliance Inc.

Ang Kasaysayan ng Pagkasira ng Kalikasan

               Nilikha ng Diyos na kalugud-lugod ang Sankalikasan. Ito ay puno ng liwanag, buhay at kagandahan. Ngunit naging makalimutin ang tao sa kanyang pananagutang ito’y pangalagaan. At sa mundo’y inihasik ang kadiliman. Ang unang araw.

              Naging pabaya at iresponsable ang tao sa kanyang mga basura. Kalat dito at doon ang kanyang ginawa. Naging madumi ang kapaligiran pati na ang kalawakan. Bumaho ang simoy ng hangin sa Sankalupaan. Ang pangalawang araw.

        Naging ganid sa pagkamal ng yaman ang iilan. Ginamitan ng pasabog ang mga karagatan. Pinagpuputol ang mga puno sa kabundukan. Malawakang minimina ang mga likas nitong yaman. Hindi pa rin nakontento’t nasiyahan, gumamit ng kung anu-anong kemikal sa mga pananim at palayan. Ang ikatlong araw.

        Labis na inabuso ang inihandog na panahon ng Maykapal. Sa pagnanais na maging produktibo at patuloy na magkamal ng yaman, di na napaghihiwalay ang gabi at araw. Ang ikaapat na araw.

         Pilit ding pinalalaki at pinararami ang mga hayop at halaman sa pamamagitan ng maling paggamit ng teknolohiya at agham. Ang ikalimang araw.

         Sa patuloy na pagtuklas sa larangan ng teknolohiya at agham, ninais baguhin pati sariling pangangatawan – liposaction at surgery ay pinagkakagastusan. Maging paglikha ng sariling kawangis ay inaasam. Ang cloning ay ninanais na ring subukan.

         Nakita ng tao at naranasan ang mga epekto ng kanyang mga ginawa. Patuloy ang pag-init ng temperatura sa mundo at ang klima ay di maintindihan ang pagbabagu-bago. Gumuguho ang mga kabundukan at dumadami ang nagaganap na pagbabaha.  Maraming buhay ang napipinsala. Lumalaganap ang iba’t ibang uri ng sakit at karamdaman. Labis na nararanasan ng marami ang kahirapan. Tumingin siya sa salamin at sarili’y pinagmasdan. Siya kaya ay nasisiyahan? O siya ba’y nababalot ng pagsisisi at kalungkutan? Ang ikaanim na araw.

           Mayroon pang natitirang isang araw. Ang ikapitong araw. Ang araw na ito ay nasa ating mga kamay. Nawa’y magamit natin ito nang makabuluhan upang maibalik ang liwanag, buhay at kagandahan ng Sankalikasan. Buksan natin ang ating mga puso, isip at palad sa gawaing pagpapanumbalik ng kagandahan at buhay ni Inang Kalikasan. (Elizabeth Carranza)

 
This website was created for free with Own-Free-Website.com. Would you also like to have your own website?
Sign up for free