Save Sierra Madre Network Alliance Inc.

Pahayag ng Pagtutol ng SSMNA sa mga Itatayong Dam sa Sierra Madre

Ipinagkatiwala sa tao ng Dakilang Maylikha na pangalagaan ang Inang Kalikasan at ang kanyang mga likas yaman. Ngunit taliwas ang tugon dito ng marami pa sa atin. Kung kaya’t ang mundo ngayon ay nahaharap na sa mga matitinding krisis pang-ekolohikal lalo na sa usaping klima. Gayunpaman, patuloy pa rin ang pagsira at pagwasak kay Inang Kalikasan at paggamit sa kanyang mga likas-yaman bilang commodity lalo na ng mga pribadong korporasyon na kita lamang ang pangunahin sa isipan.   

Ang Sierra Madre na kanlungan ng buhay ng halos kabuuan ng Luzon ay patuloy na nakakaranas ng pagkasira at pagkawasak. Isa sa mga kasalukuyang pinapasang KRUS ng SIERRA MADRE ang kapanga-pangambang itatayong mga dams sa Rizal, Quezon at Laguna - pangunahin dito ang New Centennial Water Source Project na bubuuin ng Kaliwa Dam (Pagsangahan, Gen. Nakar, Quezon) na aprubado na ng Pangulong Aquino at Laiban Dam (Tanay, Rizal at Gen. Nakar, Quezon); gayundin ang muling pagbuhay ng proyektong Kanan Dam at dagdag pang pinaplanong itatayong Agos Dam at Sumag Diversion Project (lahat ng ito sa Gen. Nakar, Quezon). Nariyan din ang Sierra Madre Water Corp. Multi-River Hydropower cum Bulk-Water Project na kukuha ng tubig sa mga ilog ng bayan ng Real, Quezon at mga bayan ng Pangil, Pakil at Paete, Laguna. Lahat ng mga nabanggit na dam ay planong itayo para magpadaloy ng karagdagang tubig sa Kalakhang Maynila.

Bilang mga kamanlilikha ng Dakilang Maylikha at katiwala ng handog Niyang buhay, ipinahahayag namin ang aming mariing pagtutol higit sa lahat sa New Centennial Water Source Project na binubuo ng Kaliwa Dam at Laiban Dam at itatayo sa loob ng Kaliwa Watershed, sa mga sumusunod na kadahilanan:

  • Public-Private Partnership

-          Ang Public-Private Partnership ay isang di makatarungang sistema dahil sa likod nito ay ang katotohanan ang mga pribadong korporasyon lamang ang nakikinabang dito. Tungkulin ng pamahalaan ang pagbibigay ng maayos na serbisyong pampubliko gaya ng tubig. Hindi ito dapat ipinapasa sa mga pribadong korporasyon na ang pangunahing interes ay hindi ang makapagbigay ng maayos at makatarungang serbisyo sa mamamayan kundi ang kumita ng mas marami at mas malaki.

  • Isyung Pang-ekonomiya

-          Hindi makabubuti para sa ekonomiya ng bansa ang pagtatayo ng mga dambuhalang dam. Ayon sa mga dalubhasa mula sa Oxford University, base sa kanilang 4 na taong komprehensibong pag-aaral at pagtatasa ng 245 na naitayo nang mga dambuhalang dam mula 1934 hanggang 2007 sa 65 na bansa, umaabot sa 96% ang average cost overruns at 44% naman ang average delay ng pagtatayo at implementasyon.

-          Ang pagtatayo ng mga panibagong dam ay hindi makakatulong sa pagpapaunlad ng ekonomiya, bagkus lalo lamang nito palulubugin sa utang ang ating bansa.

  • Usaping Pangkalikasan, Pangkalusugan at Seguridad sa Pagkain

-          Ang nabanggit na proyekto ay nagbabadya ng panganib sa mayaman pang sistemang ekolohikal sa loob ng Kaliwa Watershed na binubuo ng 103 hektaryang mossy forest at 2,479 hektaryang primary forest, tahanan ng 126 uri ng hayop, 53% nito o 67 uri ay tanging sa Pilipinas lamang matatagpuan, gaya ng Philippine Brown Deer (Cervus Marianus) at 12 uri naman ang tanging sa isla ng Luzon lamang matatagpuan gaya ng Luzon Bearded Wild Pigs (Sus Philippensis). 

-          Sisirain ng proyektong ito ang natural na sistema ng Kaliwa River at makakaapekto ito sa kakayahan ng nabanggit na ilog na magpadaloy ng mga pangunahing ekolohikal na serbisyo nito. Ang pagbabago at paghina ng natural na daloy ng ilog na magiging sanhi ng pagtatayo ng nasabing proyekto ay magsasanhi naman ng pagtaas ng insidente ng malaria at iba pang mga insect-borne diseases.

-          Magsasanhi din ang proyekto ng pagkasira ng sistemang ekolohikal sa mga bayan ng Metro Reina (General Nakar, Real and Infanta), Quezon, gaya ng mahigit kumulang na 3,000 hektaryang mangrove fish sanctuary at farm irrigation; ganito rin ang mangyayari sa sistemang ekolohikal sa bayan ng Tanay, Rizal at mga karatig nitong bayan. Samakatuwid, ang proyekto ay nagbabadya ng kawalan ng kaseguruhan sa pagkain.

-          Sa karagdagang pagkawala ng 37,700 hektarya ng natitira pang forest cover ng bansa - 9,700 hektarya na palulubugin ng 60 metrong taas na Kaliwa Dam at 28,000 hektaryang palulubugin ng 113 metrong taas na Laiban Dam, lalong ilalagay ng proyekto sa panganib ang Kalakhang Maynila mula sa mas malulubhang pagbaha at mas labis na polusyon sa hangin. Lalo rin nitong paiigtingin ang nararanasan nating mga epekto ng global warming at climate change.

  • Mga Usaping Legal (Pambansa at Pandaigdigan)

-          Pangunahing nilalabag ng proyekto ang Sec.16 Article II ng 1987 Saligang Batas ng Republika ng Pilipinas na nagdedeklara ng pangunahing karapatan ng mamamayang Pilipino sa balanseng ekolohiya at malusog na kapaligiran.

-          Nilalabag din ng proyektong ito ang PD 1151 na nagdedeklarang tuluy-tuloy na polisiya ng Estado (a) na maglikha, magpaunlad, magpanatili at magsaayos ng mga kondisyon kung saan ang mamamayan at ang kalikasan ay mananatili ang produktibo at kaaya-ayang ugnayan sa isa’t isa, (b) maisakatuparan ang panlipunan, pang-ekonomiya at iba pang pangangailangan ng kasalukuyan at mga sususnod pang salinlahi ng mamamayang Pilipino, at (c) seguruhin ang pag-abot ng kalidad na kapaligiran na  magpapadaloy ng isang may dangal at ganap na buhay.

-          Nilalabag din ng proyekto ang PD 1586 na nagdedeklara na polisiya ng Estado ang maabot at mapanatili ang maayos na pagbabalanse ng panlipunan/pang-ekonomiyang pag-unlad at ng pagpuprotekta sa kalikasan.

-          Sinasawalang-bahala rin ng proyekto ang National Integrated Protected Areas System or NIPAS Act sapagkat ang pagtatayuan nito ay isang Protected Area.

-          Ang pagtatayo ng Kaliwa Dam at Laiban Dam ay pagsasawalang-bahala sa Proclamation No. 1636 na nagdedeklara sa umaabot na 46, 310 hektaryang lupain na bahagi ng public domain ng mga probinsya ng Bulacan, Rizal, Laguna at Quezon,  bilang National Park, Wildlife Sanctuary at Game Preserve at ng Presidential Proclamation No. 573 na nagdedeklara naman sa Kaliwa Watershed bilang Forest Reserve.

-          Ang proyekto ay mapapaloob sa lupaing ninuno ng mga kapatid nating katutubo sa Quezon at Rizal kung saan malalim na nakaugat ang kanilang buhay, kultura at mga tradisyon. Ang pagtatayo ng mga dam dito ay lubos na makakaapekto sa kanila lalo pa’t ang lugar na paglilipatan sa kanila ay hindi angkop sa kanilang kultura at pamamaraan ng pamumuhay. Kung kaya’t ang proyektong ito ay taliwas sa ika-9 na Prinsipyo ng Guiding Principles sa Internal Displacement ng United Nations Commission on Human Rights at General Assembly noong Pebrero 1998 na nagdedeklarang ang mga Estado ay may mahalagang tungkulin na protektahan mula sa pagkakaalis sa kanilang lupain ang mga katutubo, mga grupong minoridad at mga grupong may malalim na pagkaugat at ugnayan sa kanilang lupain.

-          Nilalabag din ng proyekto ang batas IPRA o Indigenous Peoples Rights Act sa ating bansa na nagdedeklara ng pangangailangan ng anumang proyektong itatayo sa lupaing ninuno ng Free Prior Informed Consent o malayang pagsang-ayon ng mga katutubo. Ang mga katutubo sa Quezon at Rizal ay mariin ang pagtutol sa proyektong ito at wala silang ibinibigay na FPIC.

-          Ang proyekto ay wala pang Environmental Compliance Certificate ngunit inaprubahan na ng National Economic Development Authority (NEDA) at binasbasan na ng Pangulong Aquino ang pagtatayo ng Kaliwa Dam. Samakatuwid winawalang-bahala nito ang Philippine Environmental Impact Statement (EIS) System.

-          Taliwas din ang proyektong ito sa framework ng sustainable development na nagbibigay diin sa intergenerational justice at equity sa kadahilang maraming fault lines sa pagtatayuan ng mga dam. Ang bagay na ito ay nagbabadya ng malaking panganib hindi lamang sa kasalukuyan kundi pati sa mga susunod na salinlahi.

-          Inihayag din ng World Commission on Dams na 60% ng 227 na pinakamalalaking ilog sa buong mundo ang winasak ng mga dam sa dulot ng mga ito na pagkasira ng mga ekolohikal na sistema. Kung kaya’t hindi sumasang-ayon ang Komisyon sa pagtatayo ng mga dambuhalang dam na ayon dito ay nagsasanhi lamang ng pagkasira ng mga ekolohikal na sistema at nagdadala ng panganib sa samu’t saring buhay at gayundin sa kalusugan at kaligtasan ng kasalukuyan at susunod pang mga salinlahi.

-          Ang World Commission on Environment and Development naman ay nagdedeklara na pangunahing prinsipyo sa lahat ng mga pandaigdigang batas ang pagpuprotekta ng karapatan at interes ng susunod na salinlahi sa maayos na kapaligiran. Ang deklarasyong ito ay isinasawalang-bahala ng Estado ng Pilipinas sa patuloy nitong paggigiit na iimplementa na sa lalong madaling panahon ang nasaad na proyekto.

-          Panghuli, taliwas ang proyektong ito sa artikulo 11 at 12 ng International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights na nagsasaad na ang mga Estado ay kinakailangang mag-implementa ng komprehensibong mga stratehiya at programa na siseguraduhing mananatiling may sapat at malinis na tubig para sa kasalukuyan at sa mga susunod na salinlahi.

Mariin naming ipinananawagan sa pamahalaan at sa mga kinauukulang ahensya na HUWAG ITULOY ang New Centennial Water Source Project at ang iba pang mga nabanggit na proyektong pagtatayo ng mga dam sa Rizal, Quezon at Laguna. Hindi mga dambuhalang dam ang tugon sa kakulangan sa tubig kundi mga programang makatotohanang magpapanumbalik at muling magpapalago ng mga kagubatan at mga tubig-kanlungan na siyang naghahandog sa atin ng mga pangunahing pangangailangan natin – HANGIN at TUBIG. Kinakailangan din ang isang panibagong batas na tunay na magpuprotekta sa ating mga nalalabing kagubatan – kung kaya’t ipinananawagan din namin sa mga mambabatas at sa Pangulong Aquino na isabatas na sa lalong madaling panahon ang Forest Resources Bill. Dagdag pa rito, kinakailangan din ang isang polisiyang maggigiit sa mamamayan ng responsableng paggamit at pagkukunserba ng tubig, lalung-lalo na sa Kalakhang Maynila.

Ang Sierra Madre ay kanlungan ng buhay...
Sagipin ang Sierra Madre! Sagipin ang maraming buhay!

This website was created for free with Own-Free-Website.com. Would you also like to have your own website?
Sign up for free