Save Sierra Madre Network Alliance Inc.

Open Letters: 2011 - 2012 ( by Fr. Pete Montallana, founding Chairperson)

Bukas sa Liham

Ika-24 ng Disyembre, 2011


Kgg. Benigno Simeon C. Aquino, III

Pangulo ng Pilipinas
Palasyo ng Malacanang

Mahal na Pangulo: 

Sa Paskong ito magliwanag sana sa atin ang tala ni Jesus upang maging totoo na ang pangangalaga ng Kalikasan at huwag nang maulit muli ang trahedya sa Cagayan de Oro City
 at Iligan City.

Binuhay ng bagyong Sendong ang mga alaala ng mga kalamidad sa  
Ormoc na pumatay ng 10,000 tao, sa Gingsaugon,   Quezon at Aurora, Bicol, Panay, ganun din ang mapapait na alaala ng  Ondoy, Pepeng, Pedring at Quiel. Kailan kaya matututong ipatupad ang totoong logging moratorium at pagtigil ng pagsira sa kalikasan.

 
Kaya hindi po kami nagtataka nang inilantad mismo ni Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma sa kanyang pinakabagong Pastoral Letter “A Time to Grieve, A Time to Build” ang iba’t ibang mga kaso ng   paglalapastangan sa kalikasan na di man lang mapigilan ng DENR at mga pamahalaang lokal sa Northern Mindanao.

"Illegal logging and irresponsible mning activities hve contributed to the degradation of the environment and the siltation of the river bed. the erection of man-made structures may have also impeded the natural flow of the waters. (The continued hydraulic flush mining along Iponan River has likewise caused widespread flooding of the Canitoan-Iponan areas of the city.)"


Nasa likod ng trahedya  ngayon at noon ang kapabayaan ng DENR. Mula pa nang umupo ang Aquino administration hindi naman naging pangunahing priority ang paglilinis ng katiwalian sa DENR - kung kaya ang logging moratorium, National Greening Program at  Social Fencing  ay pawang press releases lamang.  Naging manhid ang DENR sa mga ulat tungkol sa mga pagsira sa kalikasan na ipinaabot sa kanya. Hirap na nga kaming nagbabantay sa kalikasan na makakuha ng  datos, lalong hirap kaming mahikayat ang DENR na gampanan ang kanyang tungkulin. Walang ding sapat na budget ang Anti-Illegal Logging Task Force.

Bukod sa napakagandang press release sa pag-alaga sa Marikina Watershed noong Save Sierra Madre Day Sept 26, 2011, wala pa ring konkretong Blue Print  
para maprotektahan  talaga ang  Marikina Watershed. Baka sa pagdating ng Ondoy 2?  Sa Northern Mindanao matagal nang nagbabala  ang mga eksperto  tulad ni Dr. Steve Godilano, Xavier University, World Wide Fund for Nature-Philippines at UP National Institute of Geological Sciences. Maiiwasan sana ang nangyaring trahedya kung ang mga payo nila ay pinakinggan at inaksyunan ng mga kinauukulan. Sana’y di namatay libo-libong tao.

Tinimbang ngunit kulang si Sec. Ramon Paje ng mga environmentalist group na sumabay sa kanyang mga program sa pag-aakalang iba siya sa mga umupo sa DENR.  Tinimbang na rin siya ng Commission on Appointment at hindi rin siya nakapasa, ngunit ni-reappoint pa po ninyo siya. Ilang trahedya pa kaya ang darating para mamulat tayo sa katotohanan na  hindi ginagampanan ng DENR secretary  ang kanyang tungkulin at hindi na sumasapat ang mga pamamaraan ng DENR sa ilalim ng kanyang pamumuno upang matugunan ang  maigting na hamon ng global warming.

Mahal na Presidente,  kaisa ninyo kami sa usapin ng pag-usig ng mga korap sa nakaraang administrasyon.
  Ngunit sa usapin ng paglilinis ng  DENR ang mga pinagkatiwalaan ninyo ay may ibang pinapanginoon? Huwag po ninyong isasakripisyo ang buhay ng Pilipino sa ngalan ng panibagong puhunan at interes ng iilan na  ibig pagkakitaan lamang ang Kalikasan.

Muling nakiki-usap at iginigiit namin sa inyo na: 


Mag-appoint na kayo ng bagong kalihim ng DENR na may political will na ipatupad ang totoong pag-alaga sa kalikasan.

Magbuo agad ng Presidential Task Force on Anti-Illegal Logging at Environmental Law Enforcement na hIwalay sa DENR.

Gawing  priority bill ng administrasyon  ang panukalang batas sa Kongreso na proteksyunan ang secondary forests dahil 3% na lamang po ang ating natitirang virgin forests  sa bansa at kailangang ibalik kahit man lang 50% forest cover ng isang bulubunduking arkipelago tulad ng Pilipinas upang maiwasan ang mga baha’t mga disaster.

Alisin ang mga exemption sa E.O 23 at mariing ipatupad ang mga probisyon nito.

Magdeklara agad ng moratorium sa mining at suportahan ang panukalang batas   na Mineral Resources Act bilang kapalit sa kontra-kalikasang Mining Act of 1995.

Sa kagyat,  ipasara na ang mga minahan na pinatawan ng cease and desist order katulad sa nangyayari sa black sand mining sa Cagayan at ipatigil   ang small scale mining sa Umiray, General Nakar na gumagamit na ng  3 makinarya.

Proteksyunan  agad ang Marikina Watershed at magkaroon ng makatutuhanang Blue Print sa pangangalaga  nito.  

Ang Kapayapaan ni Jesus ay magpatapang ng inyong loob upang mapigilan ang mga nagsasamantala sa Kalikasan at masagkaan ang hagupit ng global warming sa Pilipinas. 

Para sa Save Sierra Madre Network Alliance (SSMNA)

Fr. Pete Montallana,OFM
Chairperson, SSMNA

 

 

 



DAING NG INANG KALIKASAN  AT NG 99% NA MAMAMAYANG PILIPINO
(Isang Bukas na Liham sa Pangulong Benigno C. Aquino III)

Pangulong Noynoy Aquino:

Bilang tugon sa  pagbaha  dala  ng  nakaraang  habagat kinikilala naming kailangan talaga ang pagpapalawak ng mga daluyan ng tubig ngunit  mukhang nakalimutang  bigyang  pansin  ang pinaka-ugat ng baha – ang patuloy na pagkasira ng kabundukan ng Sierra Madre. 

Maraming salamat po sa  inyong Proclamation  413 na nagdedeklara na ang ika-26 ng Setyembre taon-taon ay “Save Sierra Madre Day.”Binigyang diin ninyo ang kahalagahan ng  “awareness for and participation in the  protection, and conservation of the Sierra Madre Mountains”.  Dapat lamang pong palawakin ang kagubatan at palalimin ang ugat ng mga puno.


Upang patuloy na ipadaloy ng Save Sierra Madre Network Alliance (SSMNA) ang  layuning ipagtanggol ang Kalikasan, nagsimula    ang Paglalakbay  ng  Krus ng Sierra Madre sa Cagayan  noong Abril 6, 2012  patungo sa mga probinsya  ng Sierra Madre  (Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Aurora, Bulacan, Laguna, Quezon)kasama ang Metro Manila.  Saksi ang Krus sa  patuloy na logging, quarrying, mining, sanitary landfills at basura.  Magtatapos  sa Marikina, Rizal  ang Paglalakbay  ng Krus  sa ika-26 ng Setyembre 2012 upang harapin ang hamon ng Save Sierra Madre Day.


Sa dami ng malalakas na lobby groups na ibig pagkaperahan  lamang ang Sierra Madre  patuloy po kaming nagtutulak na mabigyang atensyon    at badyet ang  pangangalaga ng Sierra Madre dahil  nga sa Global Warming  na  siya nang pinakamatinding problemang kinakaharap ng ating bansa at ng buong mundo.


Ikinalulungkot po naming ulitin sa  inyo na  sa  tatlong taon na  ng inyong administrasyon, hindi pa rin malinis sa korapsyon ang DENR –ang  susing ahensya sa  pangangalaga kay Inang Kalikasan.  Sa panawagan    na inyong palitan ang Secretary ng  DENR  mas nanaig ang lobby group na nangako ng 5 milyong boto para sa mga kakandidato ninyong senador.


Walang saysay ang  milyon-milyong nagkakahalagang  greening programs kung hindi tapat ang  nagpapatupad nito upang tumubo ang mga  itinanim. Bukod dito taon      ang hihintayin  ng  itinanim na puno kung kayat  higit  na    dapat  na  protektahan  ang  nalalabi  pang kagubatan.


Ngayong taon lamang lantarang nagbigay ang DENR sa San Roque Saw Mill sa Dikapinisan, San Luis, Aurorang permit to transport  sa  764 cu. meter   na kahoy na naputol na raw bago ang logging moratorium  “with paid forest charges”.  Tatlong beses  na  namin  hiniling ang patunay  kung    totoong  naka-imbak ang nasabing  kahoy ngunit walang  maibigay si Secretary Paje.  Alam naming maraming mga ilegal na kahoy  sa Isabela, Aurora at Quezon naghihintay lamang ng papel para ito’y maging legal.


Bakit nag-isyu pa ang Secretary ng AILTF Res. 2011-006 para sa kahoy na “with paid forest charges”  noong November  28, 2011 samantalang ang AILTF Res. 2011-001  ay  nagbigay na  ng palugit hanggang May 21, 2011 para ma “process and transport”  ang lahat ng kahoy na inabutan ng logging moratorium?


Bakit DENR pa ang nagsusulong sa pagpasa sa Kongreso sa Sustainable Forest Management Bill  para kahuyin pa ang kagubatang kinahoy na (secondary forests). Kayang nga bang bantayan ng DENR ang primary forests o ito isang palusot na naman?  Halos 15% na lamang ang natitirang gubat sa Pilipinas,  puputulin pa. 50% na kagubatan ang kailangan natin ayon sa mga experto.  Sa karanasan, malala ang sabwatan ng DENR at ng sumisira ng Kalikasan.


Ikinalulungkot din naming sabihin na ang  EO 79 ay wala namang pagkakaiba sa pagkamkam ng likas yaman ng ating bansa ng mga Kastila at mga Amerikano maliban sa 5% na  palubag loob sa mamamayan. Ang nakakaraming  99%  ay ang biktima ng    hagupit ng Kalikasan  at sila  rin  ang    pinagpipyestahan    ng sisi tuwing may baha.


Mungkahi po namin:

1.  Linisin  na agad  ninyo ang korapsyon sa DENR.  Mungkahi po namin magkakaroon ng  nationalindependent monitoring team  kasama ang ibang ahensya ng pamahalaan maliban sa DENR upang maipatupad ang transparency ng DENR.

 
 

2.  Ipasa ang Forest Resources Bill na nagtataguyod sa kapakanan ng mga kagubatan at ng samu’t saring buhay na dito’y naninirahan, lalo na sa pagpapatigil ng pagpuputol ng mga puno pati sa secondary forests. Ipasa din ang Alternative Mineral Management Bill at Freedom of Information Bill.

 
 

3.  Mahigpit na alagaan mga watershed tulad ng Markina Watershed sapagkat inilalagay nito sa panganib ang buhay ng  milyong    tao sa Kalakhang Maynila.  Patuloy pa po itong  kinakahoy,  kinuquarrying  at tinatayuan ng mga subdivisions.

 
 

4.  Ipatupad ang Urban Planning sa Metro Manila.  Bigyan ng in-city housing  ang mga maralitang tagalunsod at trabahong may sapat na sahod para hindi na sila nagsisiksikan sa mapanganib na lugar.

 
 

5.  Ipatupad na ang wastong pamamahala sa basura.

Sa inyong nalalabing tatlong taon,  sana po pakinggan ninyo ang daing ng Inang Kalikasan at isakapangyarihan ang 99% dahil sila ang pundasyon ng tunay na kaunlaran. Maging mapanuri sa palakpak ng 1% na nakinig sa inyong SONA  noong Hulyo 23, 2012.

Fr. Pete Montallana, OFM

Chairperson, SSMNA
August 15, 2012

 

 

 

 

Bukas na Sulat Para Sa Inyo
Mahal na  Presidente Noynoy Aquino at sa Sambayanang Pilipino



Isang Taong Total Log Ban Na

 
 
 
Masakit ang ipinaramdam mismo ng Kalikasan sa atin sa  trahedya sa Mindanao noong 2011.  Naulit na naman ang nangyari noong 2004 sa Sierra Madre. Masayang tumulong kami sa pagpapatupad ng Total Log Ban  noong ito’y lagdaan  - ika 1 ng Febreo 2011 -  dahil wala kaming magawa kung nakikita namin ang trak trak na kahoy na may  permit daw.  Napakadaling gawing legal ang iligal dahil sa malalim na sabwatan ng corrupt na DENR at LGU personnels at ng mga financiers ng kahoy.

2011 marami  kaming  reklamong   ipinaabot sa inyong pamahalaan dala ng  paniniwalang iba ang administrasyong Aquino sa Arroyo.  Inasahan naming ipapatupad ni Sec. Ramon Paje ang paglilinis ng DENR dahil siya ang alter-ego ng  “kung walang corrupt, walang mahirap.” Hanggang ngayon  hindi matanggal tanggal si Mr. Benjamin Minya bilang PENRO ng Aurora kahit na naging sagabal na siya sa pagpapatupad ng Total Log Ban. Sa Dinapigue nagbigay pa ang DENR ng permit for logging waste  na sa totoo lang hindi naman mga sanga kundi buong  kahoy pa rin ang pinuputol. Natuwa ang DENR sa mga ulat namin sa media at nahuhuli  nila ang mga illegal na kahoy ngunit nalagasan na naman  ang gubat. Sirang plakang na naming sinasabi na ang puno’t dulo ng prolema ay ang corruption sa DENR.  Hanggang ngayon walang sinumang LGU at DENR na sinampaan ng kaso at naipakulong.

Masamang pagsalubong sa 2012 nang matuklasan  noong  Enero 5 ang  pagpuputol ng kahoy sa Waterhed ng Ipo  Dam. Sa Dinapigue, Isabela ibinebenta ang mga kahoy sa Luzmatin. Hindi na ito  nagpuputol ng kahoy; bumibili na lang.  Sa Pantabangan naman nagbigay ng permit ang DENR na putulin ang 10 acaciang kahoy na 40 taon na ang gulang  at ang pinutol ay  29 kahoy.  Sa Nakar,Quezon tuloy pa rin ang pagkakahoy. Tuloy lang ang pag-uuling sa Dingalan. Sa patuloy na pagputol ng mga kahoy, quarrying at pagtatayo ng mga subdivision sa Marikina Watershed, parang inihahanda na ang Metro Manila sa hagupit ng Ondoy 2.  

Anti-IlIegal Task Force Resolution No. 2011-006

 

 

Ang larawan po sa ibaba na  mga lauaan red and white ay  kuha sa Dingalan, Aurora noong ika-26 ng Enero 2012. Lahat lahat ito ay 11,500 bt ft na galing sa San Roque Saw Mill sa Brgy. Dikapinisan, San Luis, Aurora noong Enero 23, 2012 ayon sa 3 papeles ng DENR. (paumanhin po na di mai-upload ang larawan)

Legal daw ang kahoy na ito dahil sa Resolusyon  No. 2011 -006 ng Anti Illegal Logging Task Force na  pirmado ni Sec. Ramon Paje noong Nov. 28, 2011 na nagsasabi na “there is a need to prescribe a definitive deadline for the milling and transport of logs and lumber derived from natural/residual forests…with forest charges /paid before May 21, 2011… all logs and  timber with paid forest charges/taxes must be processed/milled and disposed of within …90 calendar days from the date of this resolution.” 

Ang parehong resolusyon ay nagpapaalala na “Resolution No. 2011-001 issued on February 21, 2011 provides that “All timber cut/harvested from the natural/residual forests prior to Executive Order No. 21 after thorough inventory by the DENR and duly verified by the Task Force, shall be allowed, within three months from the date of this Resolution, to be processed and transported...” Kasunod nito ay “in accordance with Resolution No. 2011 -001  all tenural instruments holders were granted clearance and corresponding permits …to transport and process all timber cut/harvested …which ends in May 21, 2011.” 

Masalimuot ang nasabing Resolusyon 2011-006 sapagkat mariing pinanindigan ni Sec. Ramon Paje sa amin  na pagkatapos daw ng May 21, 2011 walang nang papayagang pag-transport ng kahoy. Nireklamo namin sa kanya noon ang patuloy na pagputol ng kahoy sa Dinapigue noong katapusan ng Abril 2011 at lalo na noong hulihin ng magkasanib na puwersa ng LGU  ng Casiguran, Simbahan at taong bayan ang dalawang trak na kapuputol lamang na kahoy ng Industries Development Corporation o IDC. 

Akala natin throrough inventory na at duly verified na end na sa May 21, 2011 yong transport and process. Mukhang nakaisip na naman ng palusot sa Total Log Ban mismo.  Mukhang nililinlang lamang ang bayan.

 

 

 

Nasaan ang 780 cu m na Undisposed Logs ng  San Roque  Pinapayagan ng DENR i-transport?

Nang magkaroon ng matinding pagbaha sa Dingalan 2010, nagkaisa ang 800 katao roon na pumirmang ipasara na ang San Roque  Saw Mill  dahil ito nga ang gingamit na permit para mailusot ng illegal na kahoy sa Aurora at Quezon.  Disganado kami na sa halip aksyunan ang  reklamo laban sa San Roque  binalikan pa ng CENRO ng Dingalan ang mga  taga-Brgy. Ibona tungkol sa mawawalan daw ng trabaho pag nasara ang San Roque Saw Mill.  Ipinaabot ito sa pamahalaan ngunit walang karampatang aksyon.

Binisita ng DENR-Dingalan ang San Roque-Benson  noong  Marso 2011 at isinama ang mga kinatawan ng Social Action Center ng parokya. Walang naman nakita noon na mga lawaan. Noong ika-5-6  ng Agosto  2011  ang SSMNA na mismo ay nag-fact finding  sa San Roque Saw Mill  dahilan sa hiling  ng mga magsasaka doon na nasisira na ang kanilang irrigation. Natuklasan naming  pinuputol pa nga nito ang mga kahoy sa ilog mismo na mahigpit na ipinagbabawal ng IFMA  at lalong  ipinagbababawal ng Total Log Ban.  Sa pag-uusap sa loob ng San Roque Saw Mill na kung saan naroon ang kinatawan ng DENR-Dingalan at military iniulat namin ang  aming natuklasan at hinamon namin silang puntahan ang natuklasan namin. Hindi naman pinuntahan.

Sinasabi sa memorandum na pinirmahan ni RED Ricardo Calderon noong Dec. 13, 2011 na mayroon “undisposed logs cut prior to EO 23”:  sa   Roque Saw Mill Corp…76.201 cu.m (32,308 bd ft) at Benson na 704 cu m  (298,496 bd ft). Nasaan kaya ang mga kahoy na ito na umaabot sa    330,720 board feet?  Wala naman sa San Roque Saw Mill na siyang dinadalhan nila ng kahoy.
 
 
 

 

 

 

Panawagan

Kami po ay patuloy na nananawagan sainyo, Presidente Noynoy Aquino at sa Sambayanang Pilipino na aksyunan na ang grabeng pagsugat sa Kalikasan kung kaya tayo nagkakaroon ng Global Warming:

Maglagay na ng DENR secretary na paniniwalaan – may credibility sa kanyang katapatan sa Kalikasan at hindi takot na linisin  ang corruption sa DENR.

Agad pa-imbistigahan sa Presidential Consultant on Environment na pinamumunuan ni Sec. Neric Acosta kasama ang   mga NGO ang mga inirereklamo namin tungkol sa  mga kahoy sa Dingalan, sa Pantabangan, sa Bulacan  at iba pa at  ang mga tauhan ng DENR na nagpabaya sa kanilang tungkulin.

Alisin na  ang mga exemptions   sa Total Log Ban.

Bawiin agad ang Anti-Logging Task Force Resolution No. 2011-006 na siyang bumubutas ng EO 23.

Magbuo agad ng Presidential Task Force on Anti-Illegal Logging at Environmental Law Enforcement na hiwalay sa DENR.

Huwag papayagang maisabatas ang pagputol pa ng kahoy  sa  secondary forest sapagkat naipasa  na sa House of Representatives ang  Sustainable Forest Management Bill  na pumapayag na magputol pa sa  secondary Forest.

Hindi po maitatago ang mga kasalanan  sa Kalikasan. Ito’y mabubulgar tulad ng nangyari MIndanao noong nakaraang taon. Ang mga namatay at nasirang mga ari-arian ay gumising sa atin   sa katotohanan na bahagi ng ating buhay ang Kalikasan at tayo ay bahagi ng Kalikasan.  Pag sinaktan natin ang Kalikasan, babalikan tayo nito.

May malaking perang panglobby   ang mga magkakahoy at magmimina para magamit nila nang husto  ang kalikasan. Mayroon ding malaking block voting na nakalaan para isulong ang sariling interes taliwas sa interes ng Kalikasan. Kailangang maging maging alerto at mapanuri tayo.  Huwag tayong papayag na ikumpromiso ang buhay natin. Huwag din papayagang nakawin sa ngalan ng makasariling pag-unlad ang para sa  susunod na henerasyon. Hindi lamang para sa ating ngayon ang mga biyaya ng Diyos sa Pilipinas.

Sobra na! Tama na ang hagupit ng mga kalamidad! Pagkaisahan na nating  mailuklok sa kapangyarihan ang mga taong may totoong malasakit sa Kalikasan!

For Save Sierra Madre Network Alliance, Inc
.

Fr. Pete Montallana, OFM

Chairperson

 
 
This website was created for free with Own-Free-Website.com. Would you also like to have your own website?
Sign up for free