Save Sierra Madre Network Alliance Inc.

Homiliya ni Obispo Roberto Mallari sa Pagdiriwang ng Save Sierra Madre DaySierra

Homiliya sa Save Sierra Madre Day
Lub. Kgg. Roberto C. Mallari, D.D., Obispo ng San Jose, Nueva Ecija
Ika-26 ng Setyembre 2014, Basilika ng Itim na Nazareno, Quiapo, Maynila

Mga minamahal kong kapatid na pari na kasama natin sa Banal na Misang ito na pinangungunahan ng ating Basilica Rector ng Itim na Nazareno na si Msgr. Clem Ignacio, mga minamahal kong mga reliyosong madre at brothers, sa lahat ng bumubuo at kasapi ng Save Sierra Madre Network Alliance Inc. na galing pa sa iba't ibang panig ng Luzon na pinangungunahan ng ating Chairperson Bb. Elizabeth C. Carranza, mga minamahal na kapatid na may malasakit sa kapakanan, ikabubuti at ikagaganda ng ating kalikasan, sa minamahal nating mga deboto ng Poong Nazareno, maka-kalikasan, maka-tao at maka-Diyos na pagdiriwang po sa inyong lahat.  Sa araw pong ito ng Poong Nazareno, ngayong araw ng Biyernes ay pinagdiriwang natin ang Save Sierra Madre Day.  Ito ay itinakda tuwing ika-26 ng Septiyembre ni Presidente Benigno Simeon Aquino III sa bisa ng Presidential Proclamation No. 413, dalawang taon na ang nakararaan.

Ang Sierra Madre Day ay isang pagdiriwang ng pasasalamat dahil pinagkalooban tayo ng napakagandang regalo ng kalikasan, lalo na ang napakahabang kabundukan ng Sierra Madre.  Noong na-assign po ako sa Diyosesis ng San Jose, Nueva Ecija, isa sa mga nakatawag pansin sa akin ay ang malalawak na palayan at ang Sierra Madre Mountain Ranges na may bahaging sakop ng aming Diyosesis. Nang makita ko ito, sabi ko sa sarili ko, wow ang ganda! Ganoon din naman nakita ko at nasabi ko sa aking sarili, wow ang laking responsibilidad! Sa totoo lang po kapag nagagandahan ka sa isang lugar, kinakailangang pagmalasakitan at pangalagaan mo rin ito.  Napakagandang regalo nga ang kalikasan.  Maaari po bang pumikit kayo sandali ngayon at alalahanin ninyo ang mga alam ninyong magagandang bahagi ng Pilipinas kahit dito lamang sa Luzon, maaaring napuntahan nyo na o gusto nyo pa lamang mapuntahan (pause).  Kung tunay na makikilala lang ang ganda ng kalikasan ay mapapabuntong-hininga ka at masasabi mo:  "wow, ang ganda talaga ng Pilipinas."  Kumbinsido ba kayo na tunay ngang maganda ang Pilipinas?!  Isigaw nga ninyo: Maganda ang bayan kong Pilipinas!!! Sa harapan ng ganda ng kalikasan ay namamangha tayo at nagagalak sa Diyos na may lalang ng mga ito.  Isang mundo punung-puno ng buhay, kulay, pag-uugnayan sa isa-isa at mga hitik na bunga ng ating kalikasan: bundok man o dagat. 

Salamat po, aming Diyos sa kaloob mo sa aming kalikasan, lalu na ang kabundukan ng Sierra Madre, ang pinakamahabang kabundukan sa Pilipinas.  Alam ba ninyo na ang Sierra Madre ay isa sa mga natitirang pangunahing kagubatan sa Pilipinas na nagbibigay ng malinis na tubig inumin at pagkain sa  di mabilang-bilang na mga komunidad?  Nagbibigay ito ng patubig sa  libo-libong mga hektaryang lupang sakahan sa malaking bahagi ng Luzon.  Ang kagubatan ng Sierra Madre ay napakahalaga sa buhay nating lahat kaya ang pagkawasak  o pagkasalaula nito ay nangangahulugang din ng pagkasira ng mga Watersheds, tubig-kanlungan at ng kabuuan ng Ecosystem sa buong isla ng Luzon.

Ang atin pong mga obispo sa Pilipinas kamakailan lamang ay sumulat sa atin ng isang Pastoral Exhortation na pinamagatang: "The Joy of Integrity.  Sa sulat na ito ay may bahagi tungkol sa Integrity of creation. Sinasabi dito na nakapagbibigay ng malalim na kaligayahan ang pagpapanatili ng INTEGRIDAD ng mga nilalang ng Diyos.  Kaya nga tinatawag tayong lahat upang maging Mabuting Katiwala ng lahat ng mga nilalang ng Diyos.  Ang bawa't nilalang ay may kaugnayan sa kapwa nilalang at nakasalalay sa isa't isa sa isang kaayusan na Diyos lamang ang may gawa.  Kapag sinira natin ito, ang buhay natin ay manganganib. Ang polusyon ay dumudumi sa hangin na ating nilalanghap at sa tubig na ating iniinom,  ang walang pasubaling pagmimina at pangangahoy ay nagiging sanhi ng flash-floods at landslides. Kinakailangan nating mabawi at maibalik ang kalikasan sa kanyang integral na sistema ayon sa pagkakalalang ng Diyos sa pamamagitan ng pagiging mabubuting Katiwala.  Sa ganitong paraan lamang natin matatamasa nang mabuti ang kagandahan at pagkamabunga ng mga nilalang ng Diyos ngayon at sa hinaharap.

Sinabi ng ating Santo Papa Francisco, Isang malaking banta sa kapayapaan ang umuusbong sa makasariling paglapastangan sa likas na yaman. Kahit na ang kalikasan ay ibinigay sa atin upang gamitin, madalas ay hindi natin ito iginagalang o itinuturing na mabiyayang handog na dapat nating pangalagaan bilang paglilingkod na din sa ating mga kapatid at sa susunod na henerasyon. Dito papasok ang tungkulin nating lahat upang magpatupad ng mga batas sa diwa ng kapatiran na gagalang sa ating mundo- ang ating tahanan.

Sinabi pa ng ating Santo Papa na ang sangnilikha ay hindi isang pag-aari  na kayang-kaya nating pagharian kung kailan natin nais at  hindi ito pag-aari ng iilan lamang. Ang sangnilikha ay handog, isang napakagandang handog sa atin ng Diyos kung kaya dapat natin itong pangalagaan at gamitin nang may diwa ng paggalang at pasasalamat para sa ikabubuti ng lahat.

Dapat ngang ipagdiwang at ipagpasalamat natin ang napakalaking biyayang ito ngunit dapat din matanto natin na ang Save Sierra Madre Day ay isa ring panawagan na magkaisa tayo, pag-isahin ang ating mga puwersa at lakas upang iligtas ang Sierra Madre laban sa lahat ng sumusira nito pati na ang mga mapanirang pagkilos o proyekto sa loob ng kagubatan at tubig-kanlungan na ginagawa daw sa ngalan ng kaunlaran.

Isa sa napakahalaga at critical na watersheds sa Sierra Madre ay ang Kaliwang-Kanan Watershed.  Ito ang pangunahing pinanggagalingan tubig-inumin at patubig sa mga bukirin ng Aurora, Laguna, Quezon at Rizal.  Ngayon itong watershed na ito ay humaharap na sa napakalaking panganib dahil sa mga Mega-dams na gustong itayo ng ating kasalukuyang gobyerno upang tugunan daw ang problema sa crisis ng tubig sa Metro Manila.  Ang grupo ng Save Sierra Madre Network Alliance ay tahasang pinapahayag ang kanyang pagtutol dito sapagkat ang mga ito ay hindi tunay na solusyon sa halip ay lalo pang magpapalala sa kakulangan ng tubig at lalo pang makasisira ng mga likas yamang tinataglay ng Sierra Madre.

Ang grupo ng Save Sierra Madre ay may dala-dalang Sierra Madre Cross.  Ito ay paala-ala sa atin na may responsibilidad tayo upang pangalagaan natin ang isa't isa at ang likas na yaman ng ating bansa.  Mahalaga na kumilos tayo laban sa ilegal na pagmimina, pag-uuling, illegal logging, at manguna tayo sa wastong pangangasiwa at pagtatapon ng basura.

Sa aming diyosesis po sa San Jose de Nueva Ecija ay may isang small scale illegal mining na paulit-ulit na nagaganap mula pa noong 2012 sa Binbin Watershed, Carranglan.  Noong nakaabot muli ito sa aming kaalaman, may mga sabi-sabi na may malalaki, maimpluwensya o mayayaman na tao at kumpanya daw sa likod ng small scale mining na ito.  Ini-uugnay nga ng iba ang pagpatay sa punong-bayan na sumasakop sa Watershed na ito na tumayo laban sa illegal mining na ito. Kapag nasa harapan tayo ng malalaki at maimpluwensyang tao, grupo o multinational na kumpanya lalo na kung hindi natin nakikita, dama natin na napakaliit natin at wala tayong magagawa.  Kami po sa diyosesis, ito rin po ang naramdaman namin, maliit kami, mahina, pero kinalaunay nakita namin na madami kaming mahihina at maliliit.  Nagkatipon-tipon, nag-anyaya sa mga lider laiko ng Simbahan, mga kapatid sa iba't ibang sekta, mga sangay ng pamahalaan, kagaya ng DENR at ang NCIP, mga NGO's, PNP, Military, mga opisyal ng pamahalaang local.  Mga tatlong pagpupulong na po ang naisasagawa namin at nadama namin na kung nagsasama-sama pala ay maaari tayong magtaglay ng di pangkaraniwang lakas.  Sa kasaluyan ay isang buwan ng walang operasyon ang mga illegal na nagmimina.  Iniisip namin baka pansamantala lamang ito at bigla na namang bubulaga sa amin minsan.  Ngunit nakita na namin na kapag sama-sama kami ay may lakas.  Ngayon dito sa ating pagdiriwang ay hindi lamang tayo umaasa sa sama-samang lakas ng maliliit at mahihina, na may malasakit sa ating Kanlungan Ng Buhay: Sierra Madre.  Dinadala natin sa Diyos ang kasalukuyang dala-dalang krus ng Sierra Madre kagaya ng:  patuloy na pangangahoy at pagwasak ng mga kagubatan, pagmimina sa kabundukan, tabing ilog at tabing dagat sa halos lahat ng bahagi ng Sierra Madre; proyektong kalsadang Ilagang-Divilacan na hihiwa sa mga natitira pang "virgin forests" sa pusod ng Sierra Madre; Proyektong APECO O Aurora Pacific Economic Zone na sumisira sa Likas na yaman ng Casiguran, Aurora at lumalapastangan sa karapatan ng mga kapatid nating magsasaka, mangingisda at mga katutubong naninirahan dito; landfills na lumalason sa lupa at sa mga dumadaloy na ilog, sapa at bukal ng Sierra Madre lalo na sa bahaging Bulacan; patuloy na pagwasak sa Marikina Watershed sa kabila ng naranasang trahedya ng Ondoy noong September 26, 2009; at ang sinabi kong plano ng pamahalaang magtayo ng mega dams.  Inilalapit natin ang lahat ng ito sa Poong Nazareno, alam natin kasama natin siya sa pagbubuhat Ng Krus ng Sierra Madre.  Kagaya ng sinasabi sa atin ng ating ebanghelyo, ito ang Larawan ng Diyos natin, kasama natin sa hirap at kamatayan ngunit kagaya din niya ay mabubuhay tayong muli.  Kung kasama natin siya sumasampalataya tayo  na kahit mga dambuhala ang mga personalidad at mga kumpanya ang makakaharap natin lalo pang lalakas ang pinag sama-samang lakas ng mga maliliit at mahihina. 

Buong kababaang-loob na kinikilala natin na hindi natin kaya kapag tayo-tayo lang, kailangan natin ang tulong ng mga nasa gobyerno natin na may tunay na malasakit sa kapakanan ng nakakarami, kailangan natin ang maraming mga kapatid natin sa iba't ibang NGOs na kaisa natin sa pangangalaga ang ating Likas Yaman, kailangan natin ang lahat Ng mamamayang kapatid natin na nakakakilala na kung ano ang binibigay nating pagtrato sa kalikasan ay iyon din ang ibabalik sa atin.  Kinikilala natin na kailangan natin ang Diyos na may likha Ng lahat at tumawag sa atin upang mamahala sa lahat ng nilikha niya at upang Kanyang maging ka-manlilikha.  Naniwala tayo na may kakayahan ang Diyos na baguhin tayong lahat pati na ang mga dambuhang personalidad o mga kumpanya sa likod ng illegal minings, illegal loggings, at iba pa, na walang iniisip kundi ang kanilang malaking kita at pansariling kapakanan.

Bilang pagtapos, gusto kong banggitin ang hamon ng ating mga obispo noong 1988 sa kanilang sulat Pastoral:  What is happening to my beautiful country? Sabi nila:"Bilang mga Filipino kailangan tayong kumilos ngayon.  Walang ibang gagawa o kikilos para sa atin.  Ito ang Tahanan natin, dapat natin itong pangalagaan, bantayan, protektahan at mahalin.  Kailangan nating protektahang mabuti ang nalalabi nating mga kagubatan at mga ilog... at hilumin kung kaya pa natin ang mga sinira na natin!"

"Ang pangangalaga at paghilom ng ating Likas Yaman ay hindi madali dahil sa kasuwapangan ng tao at dahil sa pagnanais na kumita kahit maghirap ang iba.  Ngunit hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa.  Pinagkalooban tayo ng di pangkaraniwang galing ng Diyos.  Tinanim ng Diyos sa puso natin ang wagas na pagmamahal sa ating bayan, na sinisigaw natin sa ating mga awitin at mga poesia.  Maaari nating gamitin itong galing natin upang mapagligkuran ang lahat sa lalo pang ikabubuhay nila at maiwasan ang nagbabantang kamatayan."  Kagaya ng sinasabi sa atin ng unang pagbasa, ito na nga ang panahon ng puspusang pangangalaga sa Sangnilikha at panahon upang hilumin ang mga sinira natin.

Bilang pagtatapos po batiin po natin ang ating mga katabi, "Makabuluhang Save Sierra Madre day sa iyo, kapatid!  Kaisa tayo dito.  Kaisa din natin ang Mahal na Poong Nazareno."Mabuhay ang ating Poong Nazareno!  Mabuhay ang Sierra Madre!  Mabuhay tayong lahat!  Mabuhay ang mahal nating Bansang Pilipinas! Amen.

 
This website was created for free with Own-Free-Website.com. Would you also like to have your own website?
Sign up for free