Nakalimutan natin Kung Sino Tayo
Kung sino talaga tayo ay atin nang nakalimutan
Inihihiwalay natin ang ating mga sarili
sa daloy ng Sankalikasan
Pag-ikot at paggalaw ng mundo,
hindi na natin namamalay
Tinalikuran natin ang normal na pag-inog ng buhay
Nakalimutan Natin Kung Sino Tayo
Hinahanap lang natin
ang ating sariling seguridad at kapakanan
Tayo ay nagiging mapanira,
matugunan lamang ang ating mga luho at kagustuhan
Nababaluktot na ang ating karunungan at kaisipan
Inaabuso natin ang ating mga kapangyarihan
Nakalimutan Natin Kung Sino Tayo
Ngayon ay natitigang na ang sangkalupaan
Mga anyong tubig ay puno ng lason
at di na natin mapakinabangan
Nakalimutan Natin Kung Sino Tayo
Nababalot ng polusyon ang kalawakan
at ang hanging ating nalalanghap ay wala na
ang kalinisan at kasariwaan
Pataas nang pataas ang temperatura sa sandaigdigan
Nakalimutan Natin Kung Sino Tayo
Ngayon ay nakakalbo na ang mga kabundukan
Nawawalan na ng buhay ang mga kagubatan
Mga nilalang ng Diyos, naglalaho na sa Sankalikasan
At tayong sangkatauhan ay nalulugmok sa kahirapan
Nakalimutan Natin Kung Sino Tayo
Tayo ngayon ay humingi ng kapatawaran
Handog na pag-aalaala,
hingin natin sa Diyos ng Sankalikasan
Hingin natin sa Kanya ang kakayahan na magbago
at maging katuwang Niya
sa pagpapanibago ng mukha ng mundo
Nakalimutan Natin Kung Sino Tayo
(Elizabeth Carranza)